Monday, May 11, 2009

Sa lahat ng kabataan

Sa lahat ng kabataan,

“Mga anak, alam Ko ang inyong dinaranas ngayon. Alam Kong hindi ninyo malaman ang inyong gagawin kung may mga problema kayo. Lumalapit kayo kung kani-kaninong tao na sa akala ninyo ay matutulungan kayo sa inyong mga problema. Makinig kayong lahat! Mahal Ko kayo at gusto Ko kayong pagpalain. Nais Kong bawat isa sa inyo ay matanggap ang mga pagpapala Ko ngunit di naman kayo lumalapit sa Akin nang totoo. Hinahayaan ninyong madala kayo ng inyong mga damdamin at emosyon sa pagdedesisyon kaya maraming mali kayong nagagawa at maraming nasasayang na panahon sapagkat di ninyo muna Ako sinasangguni tuwing nangangailangan kayo.
“Mga anak, sinasabi Ko sa inyong mahal na mahal Ko kayo. Ayaw kong mapahamak ni isa sa inyo. Kaya, ipinapayo Kong lumapit kayo sa Akin gaya ng isang maliit na bata. Manalangin at magpakumbaba kayo sa Akin at kakalingain Ko kayo gaya ng pagkalinga ng mapagmahal na ina sa kanyang anak na minamahal. Makinig kayo sa Akin upang mapabuti kayo. Kapag nagkagayon, hindi na kayo mahihirapang igalang at sundin ang inyong mga magulang. Ako mismo ang magtuturo sa inyo kung paano sila igagalang at mamahalin.
“Huwag kayong mag-alala – kayong mga naulila na sa ama o sa ina. Kakalingain Ko rin kayo gaya ng pagkalinga Ko sa mga kabataang may mga magulang pa. Ibigay ninyo lang nang buong-buo ang inyong mga buhay sa Akin at Ako na ang bahala sa inyo. Hindi Ko kayo itatakwil gaya ng akala ng ilan sa inyo. Mahal na mahal Ko pa rin kayo kahit na di ninyo ito alam.
“Huwag kayong makinig sa mga nagsasabing, ‘kasalanan mo kaya ka nagkakaganyan. Ikaw ang dahilan ng mga pagkakamali mo.’ O kaya’y ‘dapat kang magdusa sa mga ginawa mo.’ Huwag ninyo ngang pakikinggan ang mga sinasabi nila. Hindi nila alam ang mga balak at plano Ko sa bawat isa sa inyo. Kung magulang naman ninyo ang nagsasabi ng gayon o kamag-anak o kaibigan, ipanalangin ninyo na lang sila at huwag na huwag kayong magtatanim ng sama ng loob sa kanila dahil di ito makabubuti sa inyo.
“Sa halip manalangin kayo, magpakumbaba at sabihin ninyo sa Akin ang lahat ng mga problema ninyo at kahinaan at Ako ang mangangalaga sa inyo. Patatawarin Ko kayo sa inyong mga kasalanan at pagagaangin Ko ang pasanin ninyo sa buhay. Ibigay ninyo sa Akin nang buong-buo ang inyong mga buhay at di Ko kayo iiwan ni pababayaan man. Pagpapalain ko kayo saan man kayo magpunta.
“Mga anak, umiwas na kayo sa mga uso ng mundo para mabatid ninyo ang kalooban Ko.”




Nagmamahal,
Hesus

No comments:

Post a Comment